Preface (Paunang salita)
Letter No. I
Notes: This letter was particularly difficult for its use of imagery and figures of speech which have no equivalent in Pilipino and I had to do the best I can to keep the mood and tone of Screwtape's letter, which was both of a loving uncle who speaks familiarly with his nephew, but also at times a higher-ranking operative of Hell, thereby sometimes writing in a more or less official manner.
I tried to keep the imagery intact. There is a part where the letter uses 'Gothic' to describe a church building, and I debated whether or not to use Gothic as-is, but in the end opted for Ang tanging nakikita ng iyong pasyente ay ang mga gusali, mga moog, mga di-pa-halos-tapos na magarbong simbahang batong itinatayo sa bakanteng lote for 'All your patient sees is the half-finished, sham Gothic erection on the new building estate.' For 'His mind is full of togas and sandals and armour and bare legs...' I added a phrase that says that this imagery is from patrician Rome which isnt in the original: Ang kanyang isip ay puno ng toga, mga sandalyas, mga baluti't kalasag at hubad na mga binti ng mga senador o heneral sa Roma. Without ng mga senador o heneral sa Roma, the image wouldnt be there. I also used 'day care' to translate 'nursery'-- as in nursery school. Day care would be more familiar to more Filipinos since the Department of Social Welfare has decided to call its pre-school program in the barrios day care centers instead of nursery schools.
I expect to be returning to this letter, as I will no doubt do with the other letters, for some tweaking here and there.
Mahal kong Wormwood,
Labis kong ikinasama ng loob na ang iyong pasyente ay naging Kristiyano. Huwag ka sanang umasa na hindi ka mapapatawan ng parusa dahil dito; tunay ngang ako'y umaasa na sa iyong masusing pagmumuni-muni sa bagay na ito, ikaw mismo'y magnanais na ika'y mapatawan ng parusa. Samantala, gawan na lang natin ng paraan upang hindi maging lubos na trahedya ang pangyayaring ito. Di natin kailangang maghinagpis; daan-daan nang mga nilalang ang nabawi natin matapos nilang saglit na mamasyal sa kampo ng Kalaban kahit na may sapat na gulang at pag-iisip na ang mga ito--sila'y nanumbalik na sa atin sa kalaunan. Lahat ng gawi ng iyong pasyente, maging sa isip niya't sa gawa, ay pabor pa rin sa atin.
Isa sa mga pinakamasigasig nating kakampi dito ay ang mismong Iglesiya. Hayaan mong ipaliwanag ko ito at baka magkamali ka ng pang-unawa sa sinabi ko. Hindi ko tinutukoy ang walang hanggang Iglesiya na siyang laganap sa lahat ng panahon, kumukupkop sa buong sansinukob, kakila-kilabot na parang isang hukbong mananakop, mga bandila'y nagsisiwagayway. Sa harap ng Iglesiyang iyan, kahit ang pinakamagiting nating mga taga-tukso'y tinatakasan ng tapang. Nguni't sa kabutihang palad, hindi ang Iglesiyang ito ang siyang nakikita ng mga taga-Lupa. Ang tanging nakikita ng iyong pasyente ay ang mga gusali, mga moog, mga di-pa-halos-tapos na magarbong simbahang batong itinatayo sa bakanteng lote. At kapag pumasok siya sa loob, ang makikita niya ay ang nagtitinda sa palengke na bakas sa mukha ang pagka-ipokrito, na lalapit sa kanya't bibigyan siya ng isang nagniningning na aklat ng liturhiya na ni isa man sa kanila'y di nauunawaan, isang munting gusgusing aklat na puno ng mga talata't bersikulong nagmamalinis sa pagkarelihiyoso, walang kwenta, at di halos mabasa sa liit ng pagkakasulat ng mga titik. At kapag nakahanap na siya ng mauupuan, lilingon siya sa paligid, at ang tatambang sa kanya ay ang kanyang mga kapit-bahay na pinagsisikapang niyang iwasan. Siguraduhin mong maisaksak mo ng maigi sa kanyang kukote ang mga kapit-bahay niyang yaon. Ipagpalit-palit mo sa isipan niya ang mga katagang tulad ng "ang katawan ni Kristo" at ang pagmumukha ng mga nasa kabilang upuan. Hindi na mahalaga, siyempre, kung anong uri ng tao ang nandoon sa kabilang upuan. Maaring siya'y isang dakilang mandirigma sa panig ng Kalaban. Di bale. Ang iyong pasyente, salamat sa ating Ama sa Kailaliman, ay isang tanga. Kung isa man sa mga kapit-bahay niyang ito'y disintonado, o may maingay na sapatos, o dalawang baba, o kasootang tila wala sa hulog, madali mong mapaniniwala ang iyong pasyente na ang kanilang pinaniniwalaang relihiyon ay katawa-tawa. Kasi sa ngayon, nililinlang niya ang kanyang sarili na kapag nasambit ang katagang "Kristiyano", ang ideyang nasa kanyang diwa ay purong ispirituwal na hindi maaaring isalarawan, subali't ang katotohanan, ang kanyang mga ideya patungkol sa 'Kristiyano" ay binubuo ng mga larawan. Ang kanyang isip ay puno ng toga, mga sandalyas, mga baluti't kalasag at hubad na mga binti ng isang senador o heneral sa Roma, at ang mismong katotohanan na pangkaraniwang kasootan lamang ang bumabalot sa katawan ng mga nagsisipagsimba ay isang tunay na suliranin para sa kanya, kahit hindi naman niya namamalayan ang suliraning ito. Dapat manatili itong hindi niya namamalayan; huwag mo siyang hayaang isipin kung ano ang inaasahan niyang anyo ng isang Kristiyano. Panatiliin mong malabo sa kanyang isipan ang lahat ng ito at sinasabi ko sa iyo na magdudulot ng walang hanggang kalibangan ang pagpapausbong sa kanya ng uri ng kaliwanagan na tanging Impiyerno lang ang makapagbibigay.
Pagsumikapan mong ipagpatuloy niyang maramdaman ang pagkabigo at panghihinayang kapag hindi niya nakamtan ang inaasahan niyang bunga ng kanyang pagiging Kristiyano, na siguradong mararamdaman ng iyong pasyente sa kanyang mga unang linggo sa iglesiya. Hinahayaan ng Kalaban na salubungin ang tao ng pagkabigo sa bukana ng bawat pagpupunyagi. Tulad ito ng nararamdaman ng isang paslit kung saan matapos niyang mamangha sa aklat na Mga Kuwento mula sa Odyssey nung siya'y nasa day care pa lamang ay pinag-interesan and seryosong pag-aaral ng wikang griyego. Nangyayari rin ito sa dalawang magsing-irog na nagpakasal at sinimulan ang di birong gawaing mamuhay sa iisang bubong. Sa lahat ng aspeto ng buhay, ang pagkabigo ang nagsisilbing tanda na ika'y nakatawid na mula sa larangan ng pangarap at panaginip tungo sa larangan ng nakapapagod na paggawa. Kaya ng Kalaban na ipagsapalaran ito pagka't mayroon siyang pantasiyang di ko mawari na tila baga nais Niyang malaya siyang mahalin at paglingkuran ng mga nakasusulasok na pesteng mga taong ito--"mga anak" ang tawag Niya sa mga ito, gamit ang nakasanayan Niyang obsesyong bulukin ang daigdig nating mga ispirito sa pamamagitan ng maanomalyang pakikipagrelasyon sa mga hayup na ito. Sa kagustuhan Niyang maging malaya ang mga ito sa kanilang mga gawi at kagustuhan, ayaw Niya silang palayawin at hinahayaan Niya silang madapa, tungo sa mga layuning inihatag Niya para sa kanila: hinahayaan Niyang hanapin nila ang landas patungo dito. Narito ang puwang upang tayo'y makapasok. Subali't tandaan mo, narito rin ang peligro. Sa oras na malampasan nila itong pasimulang pananabang, mas hindi na sila aasa sa emosyo't damdamin, at dahil dito, mas mahirap na silang matukso.
Ako'y sumusulat sa iyo sa pag-asang ang mga tao sa susunod na upuan sa simbahan ay walang makatwirang dahilan upang makaramdam ng pagkabigo. Siyempre kung mayroon man--kung alam ng iyong pasyente na ang babaeng yaon na may katawa-tawang kalo ay isang panatikong manlalaro ng pusoy o yaong lalaking may maingay na sapatos ay saksakan ng kuripot at mangingikil--mas mapadadali ang trabaho mo. Ang kailangan mo na lamang gawin ay huwag hayaang pumasok sa diwa niya ang katanungang, "Kung ako, kung ano man ako, ay maaring maituring na isang Kristiyano sa kung ano mang pakahulugan nito, bakit ko gagawing dahilan ang kung ano mang bisyo mayroon ang mga taong yaon sa kabilang upuan upang ituring kong kaplastikan o nakagawian lamang ang kanilang relihiyon?" Maaring maitanong mo kung posible nga bang hadlangan ang katanungang ito na umusbong sa pag-iisip ng isang tao. Oo naman, Wormwood, oo naman! Ingatan mo lamang siya at ang tanong na ito'y hindi mamumuo sa isipan niya. Hindi pa siya gaanong nagtatagal sa piling ng Kalaban kaya't wala pa siyang tunay na pagpapakumbaba. Kung ano man ang kanyang sabihin, kahit pa nakaluhod siya, tungkol sa kanyang pagiging makasalanan ay inuulit lamang niya na parang loro. Sa kahuli-hulihan, naniniwala pa rin siya na lamang pa rin ang kanyang kabutihan sa kanyang mga kasalanan sa talaan ng pananagutan ng Kalaban dahil hinayaan niya ang kanyang sarili na sumanib sa pananampalataya, at sa kanyang pag-iisip, nagpapakita siya ng ibayong pagpapakumbaba at kahigtan sa pagsisimba kasama ng mga suplado, "nakaismid", at pulpol na mga kapit-bahay niyang ito. Panatiliin mo siya sa ganoong pag-iisip sa abot ng iyong makakaya.
Lubos na nagmamahal,
Ang iyong Tito Screwtape
No comments:
Post a Comment