About this project.
Preface (Paunang Salita)
Letter No. I, II
Notes: Letter III is pretty straightforward and so I had an easier time translating it. A couple of things:
I translated 'horror' as pagkaasiwa since the use of the word 'horror' was hyperbole and the direct translation pagkatakot or pagkasindak wouldnt sound right. I have trouble with hyperbole if ever they appear in the letters. Do I translate them as-is, keeping the hyperbole knowing that they dont translate that well? Or do I go for how it sounds? I suppose I have to take it on a case-by-case basis. 'Aggravate that most useful human characteristic,
the horror and neglect of the obvious' was translated Pag-ibayuhin mo sa kanya yaong pinaka-makabuluhang kaugalian ng mga taga-lupa, yaong pagkaasiwa at di-pagpansin sa mga bagay na hindi na kailangang halukayin.
I translated 'double-standard' as pagkaipokrito. So 'To keep this game up you and Glubose must see to it that each of these two fools has a sort of double standard' became Upang panatiliin ang ganitong kalagayan, kailangang siguraduhin ninyo ni Glubose na ang dalawang hunghang na ito ay may pagkaipokrito sa pakikitungo nila sa isa't isa.
Preface (Paunang Salita)
Letter No. I, II
Notes: Letter III is pretty straightforward and so I had an easier time translating it. A couple of things:
I translated 'horror' as pagkaasiwa since the use of the word 'horror' was hyperbole and the direct translation pagkatakot or pagkasindak wouldnt sound right. I have trouble with hyperbole if ever they appear in the letters. Do I translate them as-is, keeping the hyperbole knowing that they dont translate that well? Or do I go for how it sounds? I suppose I have to take it on a case-by-case basis. 'Aggravate that most useful human characteristic,
the horror and neglect of the obvious' was translated Pag-ibayuhin mo sa kanya yaong pinaka-makabuluhang kaugalian ng mga taga-lupa, yaong pagkaasiwa at di-pagpansin sa mga bagay na hindi na kailangang halukayin.
I translated 'double-standard' as pagkaipokrito. So 'To keep this game up you and Glubose must see to it that each of these two fools has a sort of double standard' became Upang panatiliin ang ganitong kalagayan, kailangang siguraduhin ninyo ni Glubose na ang dalawang hunghang na ito ay may pagkaipokrito sa pakikitungo nila sa isa't isa.
Mahal kong Wormwood,
Labis kong ikinagalak ang ibinalita mo sa akin tungkol sa relasyon ng iyong pasyente sa kanyang ina. Malaking bentaha ito para sa iyo, pero huwag kang kampante; tuloy mo lang ang pagpukpok sa kalamangan mong ito. Ang kaloob-looban ng iyong pasyente ang siyang unang pinupuntirya ng Kalaban--nagsisimula siya sa loob, papalabas--at unti-unti Niyang inilalagay sa Kanyang bagong pamantayan ang asal, kilos, at pag-uugali ng iyong pasyente, at sa anumang sandali ay maaari na nitong maabot maging ang kanyang pakikitungo sa ale. Sikapin mong mauna bago pa Siya makarating dito. Makipag-ugnayan ka kay kasamang Glubose, ang siyang humahawak sa ina, at pag-usapan niyo kung paano ninyong dalawa paiigtingin sa bahay nila ang kagawiang pagkainis sa isa't isa; munting kurot dito, munting kurot doon. Makatutulong sa iyo ang mga sumusunod.
1. Panatiliin mo ang kanyang atensyon sa mga bagay na nangyayari sa kaibuturan, sa kanyang puso, isip, at damdamin--sa kanyang kaluluwa. Sa kanyang palagay, ang kanyang pagbabago ay tanging dito nabuo kung kaya't ang kanyang pansin sa ngayon ay nakatuon sa kung anong nangyayari sa kaloob-looban ng kanyang pagkatao--o dun lamang sa bersyon nito na napurga na niya at naalisan ng mga di kanais-nais (sa kanyang pananaw) na mga bagay, at tanging itong bersyon na ito ang hahayaan mong makita niya. Itulak mo siya dito. Alisin mo sa kanyang pansin ang mga pinakasimple, pinakapayak na alituntunin at tungkulin ng kanyang bagong pananampalataya sa pamamagitan ng pagtulak sa kanya na ang tanging bigyan ng pansin ay ang mga pinaka-ispirituwal na bagay at yaong mga konseptong di na sa saklaw ng pang araw-araw niyang pakikitungo sa kapwa. Pag-ibayuhin mo sa kanya yaong pinaka-makabuluhang kaugalian ng mga taga-lupa, yaong pagkaasiwa at di-pagpansin sa mga bagay na hindi na kailangang halukayin. Dalhin mo siya sa kalagayang kung saan maari niyang suriin ang kanyang sarili habang hindi natutuklasang ganoon pala siya, bagay na kitang-kita ng sinumang kasambahay niya o katrabaho sa opisina.
2. Walang dudang hindi mo mapipigilang ipanalangin niya ang kanyang ina, nguni't may paraan tayo upang ipawalang-saysay ang kanyang mga panalangin. Siguraduhin mong ang kanyang mga panalangin ay palaging ganap na "ispirituwal", na laging ang kalagayan ng kaluluwa ng kanyang ina ang kanyang binibigyan ng pansin at hindi ang rayuma nito. Dalawang bagay na ikalalamang mo ang magiging bunga nito. Una, ang kanyang pansin ay matutuon lamang sa mga bagay na sa kanyang pakiwari ay mga kasalanan ng kanyang ina, kung saan, kung siya'y iyong gagabayan ng kaunti, mauudyok natin siyang ihanay sa "kasalanan" lahat ng bagay na pabigat sa kanya o kinaiinisan niya tungkol dito. Sa gayon, para mo na ring pinipigaan ng kalamansi ang mga maliliit na sugat na idinudulot ng kanilang pang araw-araw na alitan na kung tutuusin ay wala namang kwenta. Ito'y magagawa mo kahit siya naninikluhod at nananalangin. Di naman ito kahirapan para sa iyo; maari pa ngang magdulot ito sa iyo ng aliw. Ikalawa, dahil pahapyaw lamang ang kaalaman niya tungkol sa kaluluwa ng kanyang ina at kadalasan pang mali, masasabi nating ang kanyang ipinagdarasal ay isang taong kathang-isip lamang niya at ang kailangan mo lamang gawin sa araw-araw ay siguraduhing itong kathang-isip niyang ito ay unti-unting mawalay sa wangis ng tunay niyang ina--ang mahadera niyang kasama tuwing almusal. Sa kalaunan, magiging napakalayo na ng kathang-isip na ina sa tunay na ina para sa kanya kung kaya't walang layunin o damdamin sa kanyang panalangin para sa kathang-isip na ina ay makaaapekto sa kanyang pakikitungo sa tunay na ina. Ako ma'y nagkaroon ng mga pasyente na parang pinaiikot ko sa aking mga kamay kung kaya't kaya ko silang ibaling mula sa isang taong taimtim na nananalangin para sa kaluluwa ng asawa o anak at sa isang kisapmata'y magiging isang taong walang kaabog-abog kung bugbugin ang asawa o anak na kung kailan lang ay ipinagdarasal niya.
3. Kapag ang dalawang taga-Lupa ay matagal nang nagsasama sa ilalim ng iisang bubong, kadalasan sila'y mayroong mga gawi, o tono ng pananalita, o hilatsa ng pagmumukha na labis na nakaiirita para sa kanilang kasambahay. Pukpukin mo ito. Dalhin mo sa buong pansin ng iyong pasyente yaong pagtaas ng kilay ng kanyang ina na natutuhan niyang kainisan nung siya'y isang paslit pa lamang, at udyukin mo siyang isipin kung gaano niya kinaiinisan ito. Ipasok mo sa kukote niya na alam ng kanyang ina na kinaiinisan niya ito at sinasadya niyang gawin ito upang siya'y asarin--kung alam mo ang iyong ginagawa, ni hindi niya mapapansin na walang basehan ng palagay niyang ito. At siyempre, huwag mo hayaang isipin niya na siya rin ay may mga gawi, tono ng pananalita, o hilatsa ng pagmumukha na labis ding kinaiinisan ng kanyang ina. Dahil hindi naman niya naririnig o nakikita ang kanyang sarili, madali nang gawin ito.
4. Sa ating lipunan na maari nating tawaging sibilisado, ang pagkasuklam ay ipinakikita sa pamamagitan ng pagbigkas ng mga salitang napakainosente kung iyong susuriin (ang mga kataga mismo ay di nakasasakit) nguni't sa paraan ng pagbigkas, o sa pagtitiyempo nito, hindi malayo sa isang sapak sa mukha. Upang panatiliin ang ganitong kalagayan, kailangang siguraduhin ninyo ni Glubose na ang dalawang hunghang na ito ay may pagkaipokrito sa pakikitungo nila sa isa't isa. Kailangang ipagpilitan ng iyong pasyente na lahat ng kanyang binibigkas ay kailangan lamang husgahan na gamit lamang na batayan ay ang mismong mga katagang kanyang ginamit, at kasabay nito, lahat ng binibigkas ng kanyang ina ay huhusgahan niya gamit ang pinakabalat-sibuyas na batayan ng di lamang mga katagang naibigkas, nguni't maging ang tono ng pananalita, paraan ng pagkabigkas nito, lahat ng kondisyong umiiral nang kanyang bigkasin ito, at kung ano mang suspetsa niya kung bakit ito binigkas. Itulak niyo ang kanyang ina na gamitin din ang ganitong batayan sa pakikitungo sa kanyang anak. Kaya't sa bawat alitan nilang dalawa, lubos na kumbinsido sila, o di kaya'y kumbinsido sa kabuuan, na sila'y walang kasalanan. Alam mo na: "Tinanong ko lang siya kung anong oras kami maghahapunan, bigla ba namang nag-alburoto." Kapag nakagawian na nila ito, ang iyong makakamtan ay isang kalagayang magiging puspos ng ligaya para sa iyo--yaong pagbigkas ng taga-Lupa ng mga katagang alam niyang nakasasakit, at pagkatapos ay magrereklamo kung nagdamdam ang pinatatamaan niya nito.
Bilang pangwakas, sabihin mo sa akin kung nasaan ang matanda sa kanyang pananampalataya. Siya ba'y naiinggit sa panibagong pinagkakaabalahan ng kanyang anak?--naiinis na sa ibang tao pa niya ito natutunan, at napakahuli na, samantalang di naman siya nagkulang na ituro ang pananampalataya sa kanya noong siya'y bata pa? Naiisip ba niya na masyado itong binibigyan ng tsetse-buretse ng kanyang anak--o di kaya'y masyadong naging madali ito para sa kanya? Tandaan mo yaong kuya sa kwento ng Kalaban tungkol sa alibughang anak.
Lubos na nagmamahal,
Ang iyong Tito Screwtape