Notes: First of all, my apologies for neglecting this project. But thanks to Senator Sotto's translation work on one of Robert F. Kennedy's speeches, I was inspired to revive it. I will provide links to the previous chapters later but for now, feel free to use the label Screwtape at the bottom of the post. As always, this attempt at translation will be tinkered with.
Letter No. IV in its original language is here.
Mahal kong Wormwood,
Yung mga mungkahi mong puno ng iyong pagkabagito ay nagsilbing hudyat na panahon na upang lumiham sa iyo tungkol sa napakasakit na paksa ng pananalangin. Hindi mo na sana binanggit na ang payo ko sa iyo tungkol sa mga panalangin niya para sa kanyang ina ay “napatunayang walang kinahinatnan”. Ang mga bagay na iyan ay hindi dapat nililiham ng isang pamangkin sa kanyang tiyuhin – maging ng isang mas manunuksong may mababang ranggo sa pangalawang kalihim ng kagawaran. Pinakikita rin nito ang hindi kaaya-ayang pagnanais na ibaling sa iba ang reponsibilidad; dapat kang matutong pagbayaran ang iyong mga pagkakamali.
Ang pinakamainam mong magagawa, hangga’t maaari, ay pigilan ang iyong pasyente sa kanyang taimtim na pagnanais na manalangin. Kung ang pasyente ay nasa wastong idad at kakapanumbalik pa lamang sa partido ng Kalaban, tulad ng tao mo, ang pinakamabisang paraan ay hikayatin siyang alalahanin, o ipagpalagay na alalahanin, yaong mga mala-lorong pamamamaraan ng pananalangin noong siya’s paslit pa lamang. At bilang pangontra sa mga ganitong uri ng pananalangin, maaari mo siyang mahikayat na tumbukin ang paraang hindi planado, tumitingin sa kaloob-looban ng kanyang sarili, hindi pormal, at walang sinusunod na patakaran; at ang kahulugan nito sa isang baguhan ay ang pagpupunyagi na mabuo sa sarili ang isang tila baga mapagpanalanging lagay ng loob kung saan ang buo ng kanyang kalooban at talino ay walang kinalaman. Isa sa kanilang mga makata, si Coleridge, ay naisulat na hindi siya nananalangin “na kumakawag na mga labi at nakamanikluhod ang mga tuhod” bagkus mayroong “paglinang ng kaluluwa sa pagmamahal” at palayawin sa sarili ang “pakiramdam ng pagsusumamo”. Iyon mismo ang panalangin na nais natin; at dahil sa panlabas na anyo ay tila may pagkakahawig ito sa tahimik at taimtim na panalangin na siyang gawi ng yaong mga malalim na ang pagkadalubhasa sa paglilingkod sa Kalaban, yaong mga pasyenteng mautak at tatamad-tamad ay maaaring malinlang nito sa matagal na panahon. Ang pinakamababang mahihita natin dito, maari natin silang mahimok na walang kinalaman ang asta ng katawan sa kanilang mga panalangin; pagka’t madalas nilang nakalilimutan, na siya mo naming dapat laging naaalala, na sila’y mga hayop at kung ano man ang asta ng kanilang katawan ay nakaaapekto sa kanilang kaluluwa. Nakatatawa na pinapalagay ng mga mortal na ang ginagawa natin ay ang maglagay ng kung anu-ano sa kanilang isipan: sa katotohanan, ang pinakamahusay nating ginagawa ay ang pagpigil ng kung anu-anong pumasok.
Kung ito man ay mabigo, kailangan mong bumalik sa mas pinong paraan ng panliligaw ng kanyang hangad. Kung sila man ay umaasikaso sa Kalaban mismo talo na tayo, nguni’t mayroon pang paraan upang mapigil sila. Ang pinakasimple ay sa pamamagitan ng pagbaling ng kanilang tingin palayo sa Kanya at tungo sa kanilang mga sarili. Panatiliin mo silang nakapako ang kanilang mga mata sa kanilang sariling isipan at bumuo ng damadamin dito sa pamamagitan ng kanilang mga kalooban. Kung ang layon nila ay humingi sa Kanya ng pagkakawanggawa, hayaan mo silang bumuo ng damdaming makapagkawanggawa para sa kanilang sarili at huwag mapansin na ito ang kanilang ginagawa. Kung ang layon nila ay manalangin para sa katatagan ng loob, hayaan mo silang bumuo ng damdaming matapang. Kapag ang sinasabi nila’y nananalangin sila para sa kapatawaran, hayaan mo silang buuin sa kanilang sarili ang damdaming sila’y napatawad. Turuan mo silang ihanay ang halaga ng bawat panalangin sa tagumpay nilang bumuo ng katumbas na damdamin; at huwag na huwag mo silang hahayaang paghinalaan na ang tagumpay o pagkabigo nila patungkol dito ay depende sa kung sila ay malusog o maysakit, nakapagpahinga o pagod, sa mga sandaling iyon.
At asahan mo na ang Kalaban ay abala rin habang nangyayari ang mga ito. Kapag mayroong panalangin, may panganib ng Kanyang agarang pagkilos. Siya ay buong mapagmataas sa pagkawalang-pakialam sa karangalan ng Kanyang kinalalagyan, at ng kinalalagyan natin, bilang purong espirito, at sa mga mortal na hayop binubuhos Niya ang kamalayan sa paraang kahiya-hiya. Subali’t kahit na matalo Niya ang iyong unang tangkang panliligaw, may mas tuso tayong sandata. Ang mga tao ay hindi nagsisimula sa tuwirang pagkakakilala sa Kanya, na siya namang, sa kamalasan natin, hindi natin maiiwasan. Wala silang kamalay-malay tungkol sa kalagim-lagim na liwanag, yaong nakasisilaw na liwanag na tila mga punyal na tumatagos sa atin at siyang bumabalot sa ating buhay ng walang humpay na hapdi. Kung pagmamasdan mo ang isipan ng iyong pasyente habang siya’y nananalangin, hindi mo iyon matatagpuan. Kung iyong susuriin ang pinagtutuunan niya ng pansin, makikita mo na ito’s isang bagay na puno ng di-iilang katawa-tawang mga sangkap. Mayroong mga larawang hango sa mga larawan ng Kalaban noong Siya’y nagpakita noong kahiya-hiyang kabanatang kilala bilang Pagkakatawangtao: mayroong mas di malinaw – marahil tunay na mabangis at di pinag-isipan – na larawan nauugnay sa dalawa pang Persona. At maaaring mayroon ding larawan ng kanyang sariling pagpipitagan (at kaakibat nitong mga damdamin ng kanyang katawan) kinatawan at ipinangalan sa bagay na pinagpipitagan. Mayoon akong alam na ilang kaso kung saan ang tinatawag ng pasyente na kanyang ‘Diyos’ ay matatagpuan – sa taas at sa kaliwang kanto ng kanyang silid, o sa loob ng kanyang kukote, o sa isang krus sa pader. Nguni’t kung ano man ang katangian ng pinaghalo-halong bagay na yaon, kailangan mong panatiliing doon siya nananalangin – doon sa bagay na kanyang ginawa, at hindi sa Pagkatao na siyang gumawa sa kanya. Maari mo ring himukin siyang kabitan ng malaking pagpapahalaga sa pagtama at pagpapabuti ng kanyang pinaghalo-halong bagay, at panatiliin ito sa kanyang imahinasyon habang siya’y nananalangin. Pagka’t kung sakali mang pumasok sa isip niya ang pagkakaiba, kung sakali mang sadyain miyang manalangin “Hindi ayon sa aking pagkakakilala sa Iyo bagkus ayon sa Iyong pagkakakilala sa Iyong sarili”, ang ating kinatatayuan, sa sandaling ito, ay gipit. Sa sandaling lahat ng kanyang pag-iisip at anyo ay isinantabi, o kung sakali mang pinanatili, pinanatili na may buong kamalayan na ang katangian ng mga ito’y pansarili niya lamang, at pinauubaya niya ang kanyang sarili sa ganap na tunay, labas-sa-sarili, at hindi nakikitang Presensiya, doon kasama niya sa kanyang silid, at kailanman ay di niya lubos na makikilala tulad na pagkakakilala nito sa kanya – isang kaganapang di natin matatantiya ay maari ngang magyari. Sa pag-iwas sa kaganapang ito – itong tunay na pagkahubad ng kaluluwa sa pananalangin – makatutulong sa iyo na ang mga tao mismo ay hindi ito ninanasa ng mas higit pa sa inaakala nila. Yaon bang tila mas malaking problema pa ang idinulot ng bagay na inaasam nila.
Lubos na nagmamahal,
Ang iyong Tito Screwtape