Showing posts with label Screwtape. Show all posts
Showing posts with label Screwtape. Show all posts

Friday, September 07, 2012

Ang Mga Liham ni Screwtape ni C.S. Lewis, Liham Blg. IV


Notes: First of all, my apologies for neglecting this project. But thanks to Senator Sotto's translation work on one of Robert F. Kennedy's speeches, I was inspired to revive it. I will provide links to the previous chapters later but for now, feel free to use the label Screwtape at the bottom of the post. As always, this attempt at translation will be tinkered with.

Letter No. IV in its original language is here.

Mahal kong Wormwood,
Yung mga mungkahi mong puno ng iyong pagkabagito ay nagsilbing hudyat na panahon na upang lumiham sa iyo tungkol sa napakasakit na paksa ng pananalangin. Hindi mo na sana binanggit na ang payo ko sa iyo tungkol sa mga panalangin niya para sa kanyang ina ay “napatunayang walang kinahinatnan”. Ang mga bagay na iyan ay hindi dapat nililiham ng isang pamangkin sa kanyang tiyuhin – maging ng isang mas manunuksong may mababang ranggo sa pangalawang kalihim ng kagawaran. Pinakikita rin nito ang hindi kaaya-ayang pagnanais na ibaling sa iba ang reponsibilidad; dapat kang matutong pagbayaran ang iyong mga pagkakamali. 
Ang pinakamainam mong magagawa, hangga’t maaari, ay pigilan ang iyong pasyente sa kanyang taimtim na pagnanais na manalangin. Kung ang pasyente ay nasa wastong idad at kakapanumbalik pa lamang sa partido ng Kalaban, tulad ng tao mo, ang pinakamabisang paraan ay hikayatin siyang alalahanin, o ipagpalagay na alalahanin, yaong mga mala-lorong pamamamaraan ng pananalangin noong siya’s paslit pa lamang. At bilang pangontra sa mga ganitong uri ng pananalangin, maaari mo siyang mahikayat na tumbukin ang paraang hindi planado, tumitingin sa kaloob-looban ng kanyang sarili, hindi pormal, at walang sinusunod na patakaran; at ang kahulugan nito sa isang baguhan ay ang pagpupunyagi na mabuo sa sarili ang isang tila baga mapagpanalanging lagay ng loob kung saan ang buo ng kanyang kalooban at talino ay walang kinalaman. Isa sa kanilang mga makata, si Coleridge, ay naisulat na hindi siya nananalangin “na kumakawag na mga labi at nakamanikluhod ang mga tuhod”  bagkus mayroong “paglinang ng kaluluwa sa pagmamahal” at palayawin sa sarili ang “pakiramdam ng pagsusumamo”. Iyon mismo ang panalangin na nais natin; at dahil sa panlabas na anyo ay tila may pagkakahawig ito sa tahimik at taimtim na panalangin na siyang gawi ng yaong mga malalim na ang pagkadalubhasa sa paglilingkod sa Kalaban, yaong mga pasyenteng mautak at tatamad-tamad ay maaaring malinlang nito sa matagal na panahon. Ang pinakamababang mahihita natin dito, maari natin silang mahimok na walang kinalaman ang asta ng katawan sa kanilang mga panalangin; pagka’t madalas nilang nakalilimutan, na siya mo naming dapat laging naaalala, na sila’y mga hayop at kung ano man ang asta ng kanilang katawan ay nakaaapekto sa kanilang kaluluwa. Nakatatawa na pinapalagay ng mga mortal na ang ginagawa natin ay ang maglagay ng kung anu-ano sa kanilang isipan: sa katotohanan, ang pinakamahusay nating ginagawa ay ang pagpigil ng kung anu-anong pumasok. 
Kung ito man ay mabigo, kailangan mong bumalik sa mas pinong paraan ng panliligaw ng kanyang hangad. Kung sila man ay umaasikaso sa Kalaban mismo talo na tayo, nguni’t mayroon pang paraan upang mapigil sila. Ang pinakasimple ay sa pamamagitan ng pagbaling ng kanilang tingin palayo sa Kanya at tungo sa kanilang mga sarili. Panatiliin mo silang nakapako ang kanilang mga mata sa kanilang sariling isipan at bumuo ng damadamin dito sa pamamagitan ng kanilang mga kalooban. Kung ang layon nila ay humingi sa Kanya ng pagkakawanggawa, hayaan mo silang bumuo ng damdaming makapagkawanggawa para sa kanilang sarili at huwag mapansin na ito ang kanilang ginagawa. Kung ang layon nila ay manalangin para sa katatagan ng loob, hayaan mo silang bumuo ng damdaming matapang. Kapag ang sinasabi nila’y nananalangin sila para sa kapatawaran, hayaan mo silang buuin sa kanilang sarili ang damdaming sila’y napatawad. Turuan mo silang ihanay ang halaga ng bawat panalangin sa tagumpay nilang bumuo ng katumbas na damdamin; at huwag na huwag mo silang hahayaang paghinalaan na ang tagumpay o pagkabigo nila patungkol dito ay depende sa kung sila ay malusog o maysakit, nakapagpahinga o pagod, sa mga sandaling iyon. 
At asahan mo na ang Kalaban ay abala rin habang nangyayari ang mga ito. Kapag mayroong panalangin, may panganib ng Kanyang agarang pagkilos. Siya ay buong mapagmataas sa pagkawalang-pakialam sa karangalan ng Kanyang kinalalagyan, at ng kinalalagyan natin, bilang purong espirito, at sa mga mortal na hayop binubuhos Niya ang kamalayan sa paraang kahiya-hiya. Subali’t kahit na matalo Niya ang iyong unang tangkang panliligaw, may mas tuso tayong sandata. Ang mga tao ay hindi nagsisimula sa tuwirang pagkakakilala sa Kanya, na siya namang, sa kamalasan natin, hindi natin maiiwasan. Wala silang kamalay-malay tungkol sa kalagim-lagim na liwanag, yaong nakasisilaw na liwanag na tila mga punyal na tumatagos sa atin at siyang bumabalot sa ating buhay ng walang humpay na hapdi. Kung pagmamasdan mo ang isipan ng iyong pasyente habang siya’y nananalangin, hindi mo iyon matatagpuan. Kung iyong susuriin ang pinagtutuunan niya ng pansin, makikita mo na ito’s isang bagay na puno ng di-iilang katawa-tawang mga sangkap. Mayroong mga larawang hango sa mga larawan ng Kalaban noong Siya’y nagpakita noong kahiya-hiyang kabanatang kilala bilang Pagkakatawangtao: mayroong mas di malinaw – marahil tunay na mabangis at di pinag-isipan – na larawan nauugnay sa dalawa pang Persona. At maaaring mayroon ding larawan ng kanyang sariling pagpipitagan (at kaakibat nitong mga damdamin ng kanyang katawan) kinatawan at ipinangalan sa bagay na pinagpipitagan. Mayoon akong alam na ilang kaso kung saan ang tinatawag ng pasyente na kanyang ‘Diyos’ ay matatagpuan – sa taas at sa kaliwang kanto ng kanyang silid, o sa loob ng kanyang kukote, o sa isang krus sa pader. Nguni’t kung ano man ang katangian ng pinaghalo-halong bagay na yaon, kailangan mong panatiliing doon siya nananalangin – doon sa bagay na kanyang ginawa, at hindi sa Pagkatao na siyang gumawa sa kanya. Maari mo ring himukin siyang kabitan ng malaking pagpapahalaga sa pagtama at pagpapabuti ng kanyang pinaghalo-halong bagay, at panatiliin ito sa kanyang imahinasyon habang siya’y nananalangin. Pagka’t kung sakali mang pumasok sa isip niya ang pagkakaiba, kung sakali mang sadyain miyang manalangin “Hindi ayon sa aking pagkakakilala sa Iyo bagkus ayon sa Iyong pagkakakilala sa Iyong sarili”, ang ating kinatatayuan, sa sandaling ito, ay gipit. Sa sandaling lahat ng kanyang pag-iisip at anyo ay isinantabi, o kung sakali mang pinanatili, pinanatili na may buong kamalayan na ang katangian ng mga ito’y pansarili niya lamang, at pinauubaya niya ang kanyang sarili sa ganap na tunay, labas-sa-sarili, at hindi nakikitang Presensiya, doon kasama niya sa kanyang silid, at kailanman ay di niya lubos na makikilala tulad na pagkakakilala nito sa kanya – isang kaganapang di natin matatantiya ay maari ngang magyari. Sa pag-iwas sa kaganapang ito – itong tunay na pagkahubad ng kaluluwa sa pananalangin – makatutulong sa iyo na ang mga tao mismo ay hindi ito ninanasa ng mas higit pa sa inaakala nila. Yaon bang tila mas malaking problema pa ang idinulot ng bagay na inaasam nila.
Lubos na nagmamahal,
Ang iyong Tito Screwtape


Friday, September 14, 2007

Ang mga Liham ni Screwtape ni C.S. Lewis, Liham Blg. III

About this project.
Preface (Paunang Salita)
Letter No. I, II

Notes: Letter III is pretty straightforward and so I had an easier time translating it. A couple of things:
I translated 'horror' as pagkaasiwa since the use of the word 'horror' was hyperbole and the direct translation pagkatakot or pagkasindak wouldnt sound right. I have trouble with hyperbole if ever they appear in the letters. Do I translate them as-is, keeping the hyperbole knowing that they dont translate that well? Or do I go for how it sounds? I suppose I have to take it on a case-by-case basis. 'Aggravate that most useful human characteristic,
the horror and neglect of the obvious' was translated Pag-ibayuhin mo sa kanya yaong pinaka-makabuluhang kaugalian ng mga taga-lupa, yaong pagkaasiwa at di-pagpansin sa mga bagay na hindi na kailangang halukayin.

I translated 'double-standard' as pagkaipokrito. So 'To keep this game up you and Glubose must see to it that each of these two fools has a sort of double standard' became Upang panatiliin ang ganitong kalagayan, kailangang siguraduhin ninyo ni Glubose na ang dalawang hunghang na ito ay may pagkaipokrito sa pakikitungo nila sa isa't isa.
Mahal kong Wormwood,

Labis kong ikinagalak ang ibinalita mo sa akin tungkol sa relasyon ng iyong pasyente sa kanyang ina. Malaking bentaha ito para sa iyo, pero huwag kang kampante; tuloy mo lang ang pagpukpok sa kalamangan mong ito. Ang kaloob-looban ng iyong pasyente ang siyang unang pinupuntirya ng Kalaban--nagsisimula siya sa loob, papalabas--at unti-unti Niyang inilalagay sa Kanyang bagong pamantayan ang asal, kilos, at pag-uugali ng iyong pasyente, at sa anumang sandali ay maaari na nitong maabot maging ang kanyang pakikitungo sa ale. Sikapin mong mauna bago pa Siya makarating dito. Makipag-ugnayan ka kay kasamang Glubose, ang siyang humahawak sa ina, at pag-usapan niyo kung paano ninyong dalawa paiigtingin sa bahay nila ang kagawiang pagkainis sa isa't isa; munting kurot dito, munting kurot doon. Makatutulong sa iyo ang mga sumusunod.

1. Panatiliin mo ang kanyang atensyon sa mga bagay na nangyayari sa kaibuturan, sa kanyang puso, isip, at damdamin--sa kanyang kaluluwa. Sa kanyang palagay, ang kanyang pagbabago ay tanging dito nabuo kung kaya't ang kanyang pansin sa ngayon ay nakatuon sa kung anong nangyayari sa kaloob-looban ng kanyang pagkatao--o dun lamang sa bersyon nito na napurga na niya at naalisan ng mga di kanais-nais (sa kanyang pananaw) na mga bagay, at tanging itong bersyon na ito ang hahayaan mong makita niya. Itulak mo siya dito. Alisin mo sa kanyang pansin ang mga pinakasimple, pinakapayak na alituntunin at tungkulin ng kanyang bagong pananampalataya sa pamamagitan ng pagtulak sa kanya na ang tanging bigyan ng pansin ay ang mga pinaka-ispirituwal na bagay at yaong mga konseptong di na sa saklaw ng pang araw-araw niyang pakikitungo sa kapwa. Pag-ibayuhin mo sa kanya yaong pinaka-makabuluhang kaugalian ng mga taga-lupa, yaong pagkaasiwa at di-pagpansin sa mga bagay na hindi na kailangang halukayin. Dalhin mo siya sa kalagayang kung saan maari niyang suriin ang kanyang sarili habang hindi natutuklasang ganoon pala siya, bagay na kitang-kita ng sinumang kasambahay niya o katrabaho sa opisina.

2. Walang dudang hindi mo mapipigilang ipanalangin niya ang kanyang ina, nguni't may paraan tayo upang ipawalang-saysay ang kanyang mga panalangin. Siguraduhin mong ang kanyang mga panalangin ay palaging ganap na "ispirituwal", na laging ang kalagayan ng kaluluwa ng kanyang ina ang kanyang binibigyan ng pansin at hindi ang rayuma nito. Dalawang bagay na ikalalamang mo ang magiging bunga nito. Una, ang kanyang pansin ay matutuon lamang sa mga bagay na sa kanyang pakiwari ay mga kasalanan ng kanyang ina, kung saan, kung siya'y iyong gagabayan ng kaunti, mauudyok natin siyang ihanay sa "kasalanan" lahat ng bagay na pabigat sa kanya o kinaiinisan niya tungkol dito. Sa gayon, para mo na ring pinipigaan ng kalamansi ang mga maliliit na sugat na idinudulot ng kanilang pang araw-araw na alitan na kung tutuusin ay wala namang kwenta. Ito'y magagawa mo kahit siya naninikluhod at nananalangin. Di naman ito kahirapan para sa iyo; maari pa ngang magdulot ito sa iyo ng aliw. Ikalawa, dahil pahapyaw lamang ang kaalaman niya tungkol sa kaluluwa ng kanyang ina at kadalasan pang mali, masasabi nating ang kanyang ipinagdarasal ay isang taong kathang-isip lamang niya at ang kailangan mo lamang gawin sa araw-araw ay siguraduhing itong kathang-isip niyang ito ay unti-unting mawalay sa wangis ng tunay niyang ina--ang mahadera niyang kasama tuwing almusal. Sa kalaunan, magiging napakalayo na ng kathang-isip na ina sa tunay na ina para sa kanya kung kaya't walang layunin o damdamin sa kanyang panalangin para sa kathang-isip na ina ay makaaapekto sa kanyang pakikitungo sa tunay na ina. Ako ma'y nagkaroon ng mga pasyente na parang pinaiikot ko sa aking mga kamay kung kaya't kaya ko silang ibaling mula sa isang taong taimtim na nananalangin para sa kaluluwa ng asawa o anak at sa isang kisapmata'y magiging isang taong walang kaabog-abog kung bugbugin ang asawa o anak na kung kailan lang ay ipinagdarasal niya.

3. Kapag ang dalawang taga-Lupa ay matagal nang nagsasama sa ilalim ng iisang bubong, kadalasan sila'y mayroong mga gawi, o tono ng pananalita, o hilatsa ng pagmumukha na labis na nakaiirita para sa kanilang kasambahay. Pukpukin mo ito. Dalhin mo sa buong pansin ng iyong pasyente yaong pagtaas ng kilay ng kanyang ina na natutuhan niyang kainisan nung siya'y isang paslit pa lamang, at udyukin mo siyang isipin kung gaano niya kinaiinisan ito. Ipasok mo sa kukote niya na alam ng kanyang ina na kinaiinisan niya ito at sinasadya niyang gawin ito upang siya'y asarin--kung alam mo ang iyong ginagawa, ni hindi niya mapapansin na walang basehan ng palagay niyang ito. At siyempre, huwag mo hayaang isipin niya na siya rin ay may mga gawi, tono ng pananalita, o hilatsa ng pagmumukha na labis ding kinaiinisan ng kanyang ina. Dahil hindi naman niya naririnig o nakikita ang kanyang sarili, madali nang gawin ito.

4. Sa ating lipunan na maari nating tawaging sibilisado, ang pagkasuklam ay ipinakikita sa pamamagitan ng pagbigkas ng mga salitang napakainosente kung iyong susuriin (ang mga kataga mismo ay di nakasasakit) nguni't sa paraan ng pagbigkas, o sa pagtitiyempo nito, hindi malayo sa isang sapak sa mukha. Upang panatiliin ang ganitong kalagayan, kailangang siguraduhin ninyo ni Glubose na ang dalawang hunghang na ito ay may pagkaipokrito sa pakikitungo nila sa isa't isa. Kailangang ipagpilitan ng iyong pasyente na lahat ng kanyang binibigkas ay kailangan lamang husgahan na gamit lamang na batayan ay ang mismong mga katagang kanyang ginamit, at kasabay nito, lahat ng binibigkas ng kanyang ina ay huhusgahan niya gamit ang pinakabalat-sibuyas na batayan ng di lamang mga katagang naibigkas, nguni't maging ang tono ng pananalita, paraan ng pagkabigkas nito, lahat ng kondisyong umiiral nang kanyang bigkasin ito, at kung ano mang suspetsa niya kung bakit ito binigkas. Itulak niyo ang kanyang ina na gamitin din ang ganitong batayan sa pakikitungo sa kanyang anak. Kaya't sa bawat alitan nilang dalawa, lubos na kumbinsido sila, o di kaya'y kumbinsido sa kabuuan, na sila'y walang kasalanan. Alam mo na: "Tinanong ko lang siya kung anong oras kami maghahapunan, bigla ba namang nag-alburoto." Kapag nakagawian na nila ito, ang iyong makakamtan ay isang kalagayang magiging puspos ng ligaya para sa iyo--yaong pagbigkas ng taga-Lupa ng mga katagang alam niyang nakasasakit, at pagkatapos ay magrereklamo kung nagdamdam ang pinatatamaan niya nito.

Bilang pangwakas, sabihin mo sa akin kung nasaan ang matanda sa kanyang pananampalataya. Siya ba'y naiinggit sa panibagong pinagkakaabalahan ng kanyang anak?--naiinis na sa ibang tao pa niya ito natutunan, at napakahuli na, samantalang di naman siya nagkulang na ituro ang pananampalataya sa kanya noong siya'y bata pa? Naiisip ba niya na masyado itong binibigyan ng tsetse-buretse ng kanyang anak--o di kaya'y masyadong naging madali ito para sa kanya? Tandaan mo yaong kuya sa kwento ng Kalaban tungkol sa alibughang anak.

Lubos na nagmamahal,
Ang iyong Tito Screwtape

Thursday, September 06, 2007

Ang mga Liham ni Screwtape ni C.S. Lewis, Liham Blg. II

About this project.
Preface (Paunang salita)
Letter No. I

Notes: This letter was particularly difficult for its use of imagery and figures of speech which have no equivalent in Pilipino and I had to do the best I can to keep the mood and tone of Screwtape's letter, which was both of a loving uncle who speaks familiarly with his nephew, but also at times a higher-ranking operative of Hell, thereby sometimes writing in a more or less official manner.

I tried to keep the imagery intact. There is a part where the letter uses 'Gothic' to describe a church building, and I debated whether or not to use Gothic as-is, but in the end opted for Ang tanging nakikita ng iyong pasyente ay ang mga gusali, mga moog, mga di-pa-halos-tapos na magarbong simbahang batong itinatayo sa bakanteng lote for 'All your patient sees is the half-finished, sham Gothic erection on the new building estate.' For 'His mind is full of togas and sandals and armour and bare legs...' I added a phrase that says that this imagery is from patrician Rome which isnt in the original: Ang kanyang isip ay puno ng toga, mga sandalyas, mga baluti't kalasag at hubad na mga binti ng mga senador o heneral sa Roma. Without ng mga senador o heneral sa Roma, the image wouldnt be there. I also used 'day care' to translate 'nursery'-- as in nursery school. Day care would be more familiar to more Filipinos since the Department of Social Welfare has decided to call its pre-school program in the barrios day care centers instead of nursery schools.

I expect to be returning to this letter, as I will no doubt do with the other letters, for some tweaking here and there.

Mahal kong Wormwood,

Labis kong ikinasama ng loob na ang iyong pasyente ay naging Kristiyano. Huwag ka sanang umasa na hindi ka mapapatawan ng parusa dahil dito; tunay ngang ako'y umaasa na sa iyong masusing pagmumuni-muni sa bagay na ito, ikaw mismo'y magnanais na ika'y mapatawan ng parusa. Samantala, gawan na lang natin ng paraan upang hindi maging lubos na trahedya ang pangyayaring ito. Di natin kailangang maghinagpis; daan-daan nang mga nilalang ang nabawi natin matapos nilang saglit na mamasyal sa kampo ng Kalaban kahit na may sapat na gulang at pag-iisip na ang mga ito--sila'y nanumbalik na sa atin sa kalaunan. Lahat ng gawi ng iyong pasyente, maging sa isip niya't sa gawa, ay pabor pa rin sa atin.

Isa sa mga pinakamasigasig nating kakampi dito ay ang mismong Iglesiya. Hayaan mong ipaliwanag ko ito at baka magkamali ka ng pang-unawa sa sinabi ko. Hindi ko tinutukoy ang walang hanggang Iglesiya na siyang laganap sa lahat ng panahon, kumukupkop sa buong sansinukob, kakila-kilabot na parang isang hukbong mananakop, mga bandila'y nagsisiwagayway. Sa harap ng Iglesiyang iyan, kahit ang pinakamagiting nating mga taga-tukso'y tinatakasan ng tapang. Nguni't sa kabutihang palad, hindi ang Iglesiyang ito ang siyang nakikita ng mga taga-Lupa. Ang tanging nakikita ng iyong pasyente ay ang mga gusali, mga moog, mga di-pa-halos-tapos na magarbong simbahang batong itinatayo sa bakanteng lote. At kapag pumasok siya sa loob, ang makikita niya ay ang nagtitinda sa palengke na bakas sa mukha ang pagka-ipokrito, na lalapit sa kanya't bibigyan siya ng isang nagniningning na aklat ng liturhiya na ni isa man sa kanila'y di nauunawaan, isang munting gusgusing aklat na puno ng mga talata't bersikulong nagmamalinis sa pagkarelihiyoso, walang kwenta, at di halos mabasa sa liit ng pagkakasulat ng mga titik. At kapag nakahanap na siya ng mauupuan, lilingon siya sa paligid, at ang tatambang sa kanya ay ang kanyang mga kapit-bahay na pinagsisikapang niyang iwasan. Siguraduhin mong maisaksak mo ng maigi sa kanyang kukote ang mga kapit-bahay niyang yaon. Ipagpalit-palit mo sa isipan niya ang mga katagang tulad ng "ang katawan ni Kristo" at ang pagmumukha ng mga nasa kabilang upuan. Hindi na mahalaga, siyempre, kung anong uri ng tao ang nandoon sa kabilang upuan. Maaring siya'y isang dakilang mandirigma sa panig ng Kalaban. Di bale. Ang iyong pasyente, salamat sa ating Ama sa Kailaliman, ay isang tanga. Kung isa man sa mga kapit-bahay niyang ito'y disintonado, o may maingay na sapatos, o dalawang baba, o kasootang tila wala sa hulog, madali mong mapaniniwala ang iyong pasyente na ang kanilang pinaniniwalaang relihiyon ay katawa-tawa. Kasi sa ngayon, nililinlang niya ang kanyang sarili na kapag nasambit ang katagang "Kristiyano", ang ideyang nasa kanyang diwa ay purong ispirituwal na hindi maaaring isalarawan, subali't ang katotohanan, ang kanyang mga ideya patungkol sa 'Kristiyano" ay binubuo ng mga larawan. Ang kanyang isip ay puno ng toga, mga sandalyas, mga baluti't kalasag at hubad na mga binti ng isang senador o heneral sa Roma, at ang mismong katotohanan na pangkaraniwang kasootan lamang ang bumabalot sa katawan ng mga nagsisipagsimba ay isang tunay na suliranin para sa kanya, kahit hindi naman niya namamalayan ang suliraning ito. Dapat manatili itong hindi niya namamalayan; huwag mo siyang hayaang isipin kung ano ang inaasahan niyang anyo ng isang Kristiyano. Panatiliin mong malabo sa kanyang isipan ang lahat ng ito at sinasabi ko sa iyo na magdudulot ng walang hanggang kalibangan ang pagpapausbong sa kanya ng uri ng kaliwanagan na tanging Impiyerno lang ang makapagbibigay.

Pagsumikapan mong ipagpatuloy niyang maramdaman ang pagkabigo at panghihinayang kapag hindi niya nakamtan ang inaasahan niyang bunga ng kanyang pagiging Kristiyano, na siguradong mararamdaman ng iyong pasyente sa kanyang mga unang linggo sa iglesiya. Hinahayaan ng Kalaban na salubungin ang tao ng pagkabigo sa bukana ng bawat pagpupunyagi. Tulad ito ng nararamdaman ng isang paslit kung saan matapos niyang mamangha sa aklat na Mga Kuwento mula sa Odyssey nung siya'y nasa day care pa lamang ay pinag-interesan and seryosong pag-aaral ng wikang griyego. Nangyayari rin ito sa dalawang magsing-irog na nagpakasal at sinimulan ang di birong gawaing mamuhay sa iisang bubong. Sa lahat ng aspeto ng buhay, ang pagkabigo ang nagsisilbing tanda na ika'y nakatawid na mula sa larangan ng pangarap at panaginip tungo sa larangan ng nakapapagod na paggawa. Kaya ng Kalaban na ipagsapalaran ito pagka't mayroon siyang pantasiyang di ko mawari na tila baga nais Niyang malaya siyang mahalin at paglingkuran ng mga nakasusulasok na pesteng mga taong ito--"mga anak" ang tawag Niya sa mga ito, gamit ang nakasanayan Niyang obsesyong bulukin ang daigdig nating mga ispirito sa pamamagitan ng maanomalyang pakikipagrelasyon sa mga hayup na ito. Sa kagustuhan Niyang maging malaya ang mga ito sa kanilang mga gawi at kagustuhan, ayaw Niya silang palayawin at hinahayaan Niya silang madapa, tungo sa mga layuning inihatag Niya para sa kanila: hinahayaan Niyang hanapin nila ang landas patungo dito. Narito ang puwang upang tayo'y makapasok. Subali't tandaan mo, narito rin ang peligro. Sa oras na malampasan nila itong pasimulang pananabang, mas hindi na sila aasa sa emosyo't damdamin, at dahil dito, mas mahirap na silang matukso.

Ako'y sumusulat sa iyo sa pag-asang ang mga tao sa susunod na upuan sa simbahan ay walang makatwirang dahilan upang makaramdam ng pagkabigo. Siyempre kung mayroon man--kung alam ng iyong pasyente na ang babaeng yaon na may katawa-tawang kalo ay isang panatikong manlalaro ng pusoy o yaong lalaking may maingay na sapatos ay saksakan ng kuripot at mangingikil--mas mapadadali ang trabaho mo. Ang kailangan mo na lamang gawin ay huwag hayaang pumasok sa diwa niya ang katanungang, "Kung ako, kung ano man ako, ay maaring maituring na isang Kristiyano sa kung ano mang pakahulugan nito, bakit ko gagawing dahilan ang kung ano mang bisyo mayroon ang mga taong yaon sa kabilang upuan upang ituring kong kaplastikan o nakagawian lamang ang kanilang relihiyon?" Maaring maitanong mo kung posible nga bang hadlangan ang katanungang ito na umusbong sa pag-iisip ng isang tao. Oo naman, Wormwood, oo naman! Ingatan mo lamang siya at ang tanong na ito'y hindi mamumuo sa isipan niya. Hindi pa siya gaanong nagtatagal sa piling ng Kalaban kaya't wala pa siyang tunay na pagpapakumbaba. Kung ano man ang kanyang sabihin, kahit pa nakaluhod siya, tungkol sa kanyang pagiging makasalanan ay inuulit lamang niya na parang loro. Sa kahuli-hulihan, naniniwala pa rin siya na lamang pa rin ang kanyang kabutihan sa kanyang mga kasalanan sa talaan ng pananagutan ng Kalaban dahil hinayaan niya ang kanyang sarili na sumanib sa pananampalataya, at sa kanyang pag-iisip, nagpapakita siya ng ibayong pagpapakumbaba at kahigtan sa pagsisimba kasama ng mga suplado, "nakaismid", at pulpol na mga kapit-bahay niyang ito. Panatiliin mo siya sa ganoong pag-iisip sa abot ng iyong makakaya.

Lubos na nagmamahal,
Ang iyong Tito Screwtape

Friday, August 31, 2007

Ang Mga Liham ni Screwtape ni C.S. Lewis, Liham Blg. I

A big 'thank you' to Sparks for taking on the translation of George Orwell's Animal Farm. And linking to my little contribution. I hope more of us can find the time to take on this task.

About this project.
Preface to The Screwtape Letters (Paunang Salita).

Notes
: I translated 'argument' as pangangatwiran, instead of pakikipagtalo wherever it appears in this letter. I think that's closer to what Lewis meant. 'It sounds as if you supposed that argument was the way to keep him out of the Enemy's clutches' I translated as Parang sa tingin mo kasi ang pangangatwiran ang siyang paraan upang hindi siya mapasakamay sa Kalaban.

'Philosophies' I translated as pilosopiya't paniniwala, instead of just straight pilosopiya. I think the way it's used in the original is all-encompassing. 'Doctrine' I translated as paniniwala, since the original doesnt have the religious connotation that the Pilipino doktrina has. I translated 'philosophy of the future' as ito'y isang paniniwalang umuusbong at lalaki sa kalaunan.

'Jargon' is translated nauusong salita. I take Lewis to mean the word in the same way we use 'buzzword' today.

I dont know of a Pilipino equivalent for 'train of thought'. The phrase occurred twice in this letter. I used a rather long-winded translation. For example, for 'Even if a particular train of thought can be twisted so as to end in our favour...' as Kahit na sabihin na nating nailigaw mo ang pinatutunguhan ng kanyang pangangatwiran upang pumabor sa atin... .

For the phrase 'immediate sense experience' I know of no equivalent expression in Pilipino either. I translated 'withdrawing his attention from the stream of immediate sense experiences' as mailayo mo ang kanyang pansin sa mga bagay na nakikita ng kanyang mga mata, naririnig ng kanyang mga tainga, naamoy, nadarama--mga bagay na nasa kanyang kapaligiran.

I took 'familiar' to mean mundane or ordinary or commonplace, so I translated it pangkaraniwan instead of pamilyar or kilala.

I
Mahal kong Wormwood,

Batid ko ang sinasabi mo patungkol sa pag-gabay mo sa iyong pasyente sa kanyang mga binabasa at sa paghihikayat sa kanya na ipagpatuloy ang pakikipagkita sa kanyang kaibigang naniniwala sa pilosopiya ng Materyalismo. Pero, hindi ka ba nauuto lang ng bahagya? Parang sa tingin mo kasi ang pangangatwiran ang siyang paraan upang hindi siya mapasakamay sa Kalaban. Maaring umubra ito kung ang iyong pasyente ay nabuhay mga ilang siglo na ang nakakaraan. Noon malinaw sa isipan ng mga tao kung kailan ang isang bagay ay napatunayan na at kung kailan hindi pa ito napapatunayan; at kung napatunayan na, pinaniniwalaan na nila ito. Para sa kanila, and pag-iisip ay karugtong ng paggawa at mas handa silang baguhin ang kanilang pamumuhay kung mapapatunayan ito sa pamamagitan ng katwiran. Subali't ngayon, sa tulong ng mga pahayagan, magasin, mga babasahing peryodiko, at iba pa nating sandata, mas nabago natin ang gawi nilang ito. Nasanay ang iyong pasyente, simula pa noong siya'y bata pa, na mayroong sandosenang pilosopiya't paniniwala na nagsasayaw sa loob ng kanyang kukote. Hindi niya iniisip na ang mga paniniwalang ito ay "totoo" o "hindi totoo," iniisip niya na ito'y "pang-teoriya" o "praktikal", "laos" o "uso", "naaayon sa palagay ng nakararami" o "walang pakialam sa palagay ng nakararami". Ang paggamit ng mga nauusong salita, at hindi ang pangangatwiran, ang pinakamatibay mong kasangga upang mapalayo siya sa Iglesia. Huwag mong aksayahin ang iyong panahon sa pagkumbinsi sa kanya na ang Materyalismo ay totoo! Hikayatin mo siya na isiping ito'y matibay, o kaya'y payak, o kaya'y magiting -- na ito'y isang paniniwalang umuusbong at lalaki sa kalaunan. Itong mga bagay na ito lamang ang mahalaga sa kanya.

Ang problema sa pangangatwiran ay inilalagay nito ang buong larangan ng pakikibaka sa teritoryo ng Kalaban. Kaya rin Niyang mangatwiran, kahit na sa larangan ng praktikal na propaganda na aking iminumumhgkahi, ipinakita Niya sa mga nakalipas na siglo na higit na mas mababa ang kakayahan Niya kaysa sa ating Ama sa Kailaliman. Sa pakikipagkatuwiran, pinupukaw mo ang iyong pasyente sa paggamit ng kanyang pangangatwiran; at kapag ito'y ganap nang nagising, sino'ng makakapagsabi kung ano ang kahihinatnan nito? Kahit na sabihin na nating nailigaw mo ang pinatutunguhan ng kanyang pangangatwiran upang pumabor sa atin, maaring maging gawi ng iyong pasyente na talakayin ang mga usaping nakaaapekto sa buong sangkatauhan at mailayo mo ang kanyang pansin sa mga bagay na nakikita ng kanyang mga mata, naririnig ng kanyang mga tainga, naamoy, nadarama--mga bagay na nasa kanyang kapaligiran. Ang iyong dapat atupagin ay ang itakda ang kanyang pansin sa mga bagay na ito lamang. Turuan mo siyang tawagin itong "tunay na buhay" at huwag mo siyang hayaang usyosohin kung ano ang ibig niyang sabihin sa salitang "tunay".

Alalahanin mo na siya'y hindi purong espirito tulad mo. Dahil hindi ka kailanman naging tao (Ang kasumpa-sumpang kalamangan sa atin ng Kalaban!) hindi mo maaring mabatid na sila'y alipin sa mga iginigiit sa kanila ng mga pangkaraniwan at pang araw-araw na mga pansinin. Minsan mayroon akong pasyente, isang maaasahang ateista, na dating madalas tumungo sa British Museum upang magbasa. Isang araw, habang siya'y nagbabasa may naulinigan akong isang diwa sa kanyang isipan na tila gusto sana niyang sundan subali't napansin ko na bumabaliko ito tungo sa mga bagay na hindi niya dapat isipin. Natural nandoon kaagad ang Kalaban sa kanyang tabi. Bago ko pa man nalaman kung anong nangyayari, nakita ko na lamang na ang pinagpaguran ko ng dalawampung taon ay namimiligro. Kung nagkataon na hindi ko kaagad naagapan ang mga pangyayari, marahil ay sinubukan kong itama siya sa pamamagitan ng pangangatwiran at tuluyan na siyang nawala sa akin. Subali't hindi ako tanga. Kaagad kong ibinaling ang kanyang pansin sa bahagi ng kanyang pagkatao na pinakamadali kong madomina at ipinasok ko sa kanyang isipan na panahon na upang mananghalian. Agad namang kinontra naman ito ng Kalaban (ito nama'y haka-haka ko lamang--alam naman nating hindi natin maliwanag na naririnig kung anong sinasabi Niya sa kanila) at sinabing mas mahalaga pa ito kaysa sa pananghalian. Pakiwari ko'y yun nga ang Kanyang sinabi pagka't nangg aking sabihing, "Tama. Lubhang mas mahalaga ito para talakayin ngayong tanghaling tapat na," agad na tumalima ang pasyente, at bago ko pa man naibulong sa kanya na "Mas maigi pang bumalik mamaya pagkapananghalian upang matalakay ito ng may sariwang pag-iisip," ay papalabas na siya upang umuwi. Pagdating niya sa kalsada, tapos na ang laban. Pinakita ko sa kanya ang nagtitinda ng pahayagan, ang Blg. 73 bus na dumaraan, at bago pa man siya tumapak sa huling baytang ng hagdan, naipasok ko na sa utak niya ang di matinag na paniniwala na kahit ano pa mang bago o kataka-takang ideya, palagay, o opinyon ang pumasok sa kukote niya kapag siya'y nag-iisa kasama ang kanyang mga aklat, kailangan lang ipakita sa kanya ang "tunay na buhay" (para sa kanya, ito'y ang bus at ang nagtitinda ng pahayagan) at sapat na ito upang ipakita na kung ano mang kuro-kuro ang pumasok sa utak niya, yaon ay malayo sa katotohanan. Batid niya kung paanong muntikan na siyang mapariwara at matapos ang ilang taon ay nakahiligan na niyang isalaysay ang tungkol sa "hindi masambit na realidad na siyang pinakapananggalang laban sa mga depekto na tanging dulot ng pag-iisip kahit lohikal man ito". Ngayon siya'y ligtas sa tahanan ng Ating Ama.

Ngayon, nakuha mo na ang aking tinutumbok? Salamat sa mga prosesong sinimulan natin sa sangkatauhan ilang siglo na ang nakararaan, tila imposible na sa kanilang paniwalaan ang di-pangkaraniwan habang ang pangkaraniwan ay nasa harap na ng kanilang mga mata. Ipilit mo sa iyong pasyente ang pagkapangkaraniwan ng lahat ng bagay. Higit sa lahat, huwag mong tangkaing gamitin ang agham o siyensiya (tinutukoy ko dito ang mga tunay na siyensiya) bilang argumento mo laban sa Kristiyanismo. Ang gagawin lamang nito ay ang itulak siya upang isipin ang mga tungkol sa mga bagay na hindi nakikita't hindi nahahawakan. Maraming malungkot na kasong ganito sa mga pisiko natin ngayon. Kung talagang hilig niya ang siyensiya, ituro mo siya sa Economics o Sociology; huwag mo siyang ihihiwalay sa napakahalagang "tunay na buhay". Nguni't ang pinakamagaling na paraan sa lahat ay huwag mo siyang hahayaang magbasa tungkol sa siyensiya nguni't kumbinsihin mo siya na sa kabuuan alam na niya ang lahat ng dapat niyang malaman at lahat ng kanyang mapulot sa pakikipaghuntahan at pagbabasa ay "bunga ng makabagong pagsasaliksik". Alalahanin mo na nandiyan ka upang guluhin ang kanyang pag-iisip. Kung mag-usap kasi kayong mga kabataan, aakalain ninuman na ang tungkulin natin ay ang magturo!

Lubos na nagmamahal,
Ang iyong Tito Screwtape


(Letter II next week.)

Tuesday, August 28, 2007

Preface to The Screwtape Letters

The preface is pretty short, so here it is.

About this project.

Notes: I used 'demonyo' to translate devil if there is no definite article for it. Therefore, devils was translated as mga demonyo. If the word has the definite article, that is, if it pertains to Satan, I translated it Diyablo, although it is quite possible that Lewis meant it to be translated demonyo as well, since he did not capitalize devil in the original even if he placed the definite article before it: the devil is a liar, I translated as ang Diyablo ay sinungaling.

The word 'materialist' in the original I translated as skeptiko and not materyoso since the word materialist was contrasted with the word magician, the idea being the contrast between one who believes in materialism as a philosophical worldview--not to one who is enamored with material wealth--with one who believes in magic, or one who is more spiritual. I don't know the Pilipino word for 'script' and the word is adopted as-is, instead of Filipinizing it by using iskrip. I dont know of an equivalent expression to 'wishful thinking' either and therefore used a rather long-winded approach at the end of the third paragraph.

I'll try to come up with a translation of the first letter by the end of the week, inshallah.

Paunang Salita
Una sa lahat, wala akong balak na ipaliwanag kung paano napasakamay sa akin ang mga liham na siyang tangan ko ngayon.
May dalawang magkapantay, bagkus magkasalungat na pagkakamali na kung saan ang sangkatauhan ay maaring matisod pagdating sa mga demonyo. Ang una ay ang hindi paniniwala na mayroon ngang mga ganoong nilalang. Ang isa nama'y ang paniwalaan ito nguni't magkaroon ng labis na interes sa mga ito--interes na nakasisira na sa kanyang sariling kapakanan. Sila mismo'y natutuwa sa mga pagkakamaling ito at ang pagbubunyi nila sa ang isang skeptiko ay kapantay ng kanilang pagbubunyi sa isang naniniwala sa salamangka--pantay lamang nilang tinitignan ang mga ito. Ang script na ginamit ko sa aklat na ito ay maaring makuha ng sinumang makasanayang ito'y matutunan, subali't ang nga walang interes dito at yaong mga madaling magpadala sa damdamin na may hindi tamang balak dito, sabihin na lamang natin na hindi n'yo sa akin ito natutunan.
Pinapayuhan ko ang mga mambabasa na huwag kalilimutan na ang Diyablo ay sinungaling. Hindi lahat ng sinabi ni Screwtape ay dapat nating ituring na katotohanan, kahit mismo sa sarili na niyang pananaw. Hindi ko tinangkang tukuyin ang sino mang mga tao na binanggit sa mga liham, subali't sa aking palagay, malayong ang pagsasalarawan sa mga ito, halimbawa kay Padre Spike o sa ina ng pasyente, ay tugma sa kanila sa kabuuan. Marunong din naman silang manlinlang ng sarili sa Impiyerno tulad ng ginagawa ng mga tao sa Lupa kung saan minsan ang mga hinahangad nila ay hindi naman tumutugma sa realidad subali't pinagpipilitan pa rin nila ito sa kanilang mga sarili.
Bilang pangwakas, hindi ko na binigyan ng panahon ang tamang pagkakasunud-sunod ng mga liham. Ang liham blg. XVII ay tila binuo bago pa man ipinasya ng pamahalaan ang pagrarasyon, nguni't sa kabuuan, ang paraan ng pagbatid ng oras at petsa ng mga demonyo ay tila walang kinalaman sa oras at petsa dito sa Lupa kung kaya't hindi ko na pinag-aksayahan ng panahon na malaman kung anong katumbas na oras at petsa dito sa Lupa ang tinutukoy sa mga liham. Sa mga pangyayari sa digmaan sa Europa, liban sa mga pagkakataon na may katuturan ito sa ispirituwal na kalagayan ng isang nilalang, si Screwtape ay walang pakialam.

C.S. Lewis
Magdalen College
Ika-5 ng Hulyo, 1941

Friday, August 24, 2007

The next project

In Manuel L. Quezon III's blog, the comment section to an entry had him write this as a response to another comment on the state of literature in the Philippines:
I have have also been perplexed over the lack of interest in
translating, say, Orwell, into Filipino, and why Rolando Tinio seemed
the only one ambitious enough to attempt to translate Shakespeare.
To which I said this:
Let’s do it then. Anybody who has the time, pick a text to translate,
post it in a blog somewhere for students to access for free, and for
other people to critique and correct. We can start with essays in
English and go on from there. We can make technology work for us.
MLQ3 thought it's better to do this via a wiki instead of blogs, and yes a wiki would be a perfect tool for this. And while--I assume--MLQ3 is setting this wiki up and gathering support in his circle for this project-in-embryo, I thought I'd work on translating something in the meantime. Since Dean Jorge Bocobo of Philippine Commentary mentioned C.S. Lewis's Screwtape Letters in the same comment thread, I thought I'd start with that and work on it one screwtape letter at a time and post the translation here in installments.* The translation wouldnt be perfect of course, and Im sure it will go through numerous editions and revisions from the pool of talent MLQ3 manages to gather if the wiki sees the light of day. In the original concept in my head at the time I wrote the comment, I thought we should have students in mind as target audience for the translations, maybe high school students.

There will be those who will think it would be better to make the students learn English instead so theyll be able to read the works in their original languages, and Im all for that. But I believe it would be an incentive to learn English to those more 'literary' of our students to read the works in their original language if they get exposed to these works in a more accessible language first, like reading the Bible or Umberto Eco in English makes me want to read them in their original languages, but with the added advantage that they won't have to enroll in special courses in Hebrew, Greek, or Italian since English lessons come with the curriculum. I'll try to stick to the tone of the original while keeping an eye on the sensibilities of a 21st century audience of high school students. I expect that won't be easy but it would be a good exercise.

And so, as I put my money where my mouth is, so to speak, I'll probably have a draft ready by next week.

===
*The Screwtape Letters © 1942 C.S. Lewis Pte, Ltd, copyright restored 1996 C.S. Lewis Pte, Ltd. I'll worry about copyright laws later. If anybody from the Lewis estate is reading this, I dont have a cold farthing to my name. And besides, if my theory is correct, it'll make students want to read the original.